six underground
november 2>>> oo, all souls' day ngayon. at isa pang oo, ngayon ka dapat pumupunta sa sementeryo para bisitahin ang mga mahal mo sa buhay na namayapa na, at hindi kahapon. nakakahiya man pero 'di pa pala ganun kagaling ang mga pilipino (kahit na pumangatlo tayo sa amerika't britanya sa mga bansang gumagamit ng ingles) dahil simpleng pagtukoy lang ng kaibahan ng 'saints' sa 'souls' e 'di pa natin magawa. pero sa pagkakamali namang 'yan lumulutang ang pagka-pilipino natin. dahil societal/cultural norm ang pagpunta sa sementeryo tuwing nov01, pikit-mata natin itong sinusunod, kahit na alam naman nating mali. isa pa, ayaw ng mga pilipino ng conflict, kaya imbes nga naman na tawaging heretiko dahil 'sumalungat' ka sa nakagawian, sasabay na lang sa kagustuhan ng nakararami. tulad kahapon, pagabi na nang makapunta ako sa puntod ng lola ko sa isang memorial park malapit sa poblacion. ako na lang kasi ang naiwan dahil naatasan pa 'kong magligpit ng mga gamit. buti na lang at medyo may kalapitan 'yung memorial park sa bahay namin kaya pedi ko lang lakarin. nasa gate pa lang ako ay bumungad na sa 'kin ang bulto-bultong taong 'gumugunita' sa araw ng mga patay. may mga batang nakikipaghabulan, naglalaro ng mga glow-in-the-dark na purselas, at nag-iipon ng tumulong kandila para gawing bola (na hanggang ngayon e 'di ko alam kung anu ginagawa nila dun pagkatapos). may mga nagsusugal, at nakatakas pa rin ng pag-inom ang ilan kahit na lawit na ang dila ng management ng memorial park sa pagbabawal ng pagdadala ng alak. may mga nakikipag-eyeball. may mga nagtitinda ng bente singko pesos na coke-in-can at disiotso pesos na pork barbecue. may mga pamilyang kulang na lang e dalhin ang buong kusina nila, dadaigin pa ang catering services ni tamayo. sabi ko nga kay win ('di tunay na pangalan), may laban ang pilipinas sa mardi gras ng new orleans at carnivale ng brazil. kahit nga ang riot sa loob ng bilibid e walang panama sa gulo at ingay ng a-uno. teka, meron akong magandang ideya. bakit hindi na lang lahat ng family reunion e sa ganitong araw ganapin? 'wag na natin kasing isingit 'yung paggunita sa mga dedbol nating kamag-anak, sayang lang 'yung panahon at pera, 'di ba? at kahit dito e makikita mo pa rin ang lumalawak na agwat ng mayaman at mahirap. 'yung mga anak ng sultan: may mga museleo, umaapaw ang pagkain, at mamahalin ang mga flower arrangements; samantalang ang mga anak naman ni mang pandoy: masuwerte na kung may tent, kuntento sa boy bawang, at nabili pa ang mga bulaklak at kandila ng sampu 'sandaan. haaay. sa isang taon, ipaalala n'yo sa 'king mag-stay na lang sa bahay, at dun na lang magtulos ng kandila at magdasal. makakapanuod pa 'ko ng daisy siete (gusto!).
*tagal ko nang pinangarap na magamit ang kantang 'to ng sneaker pimps bilang pamagat. sa wakas.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home